Nasawi ang isang 32 anyos na lalaki matapos madulas at mahulog sa ilog habang pauwi mula sa inuman sa bayan ng Cajidiocan, Romblon.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, huling nakitang buhay ang biktima matapos dumalo sa isang birthday party sa kanilang lugar kung saan nagkaroon ng inuman na tumagal hanggang hatinggabi ng February 13.
Pauwi na umano ang biktima kasama ang ilang kakilala nang dumaan sila sa isang hanging bridge malapit sa bangin. Pagkaraang makatawid, nadulas umano ang biktima sa madulas na bahagi ng daan at tuluyang nahulog sa malalim na bahagi ng ilog.
Agad siyang hinanap ng kanyang mga kasama, subalit hindi siya natagpuan dahil sa malakas na agos at malabong tubig.
Kinabukasan, February 14, natagpuan ng mga residente ang katawan ng biktima na nakalubog sa ilog sa Sitio Agoho, Barangay Danao. Dinala siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.
Sa paunang imbestigasyon, walang nakitang palatandaan ng foul play at pinaniniwalaang aksidente ang nangyari, na posibleng dulot ng kalasingan ng biktima. Tumanggi na rin ang pamilya na isailalim sa autopsy ang labi ng biktima.
































