Aprubado na ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagtaas ng passenger terminal fee sa Batangas Port mula ₱30 patungong ₱90, na ipatutupad sa dalawang yugto sa loob ng 2026. Batay sa PPA Board Resolution No. 3418 at sa PPA Memorandum Circular No. 017-2025, ang unang dagdag na ₱30 ay sinimulan nang ipatupad nitong Enero 1, kaya’t magiging ₱60 na ang terminal fee sa nasabing petsa.
Ang ikalawang dagdag na ₱30 ay ipatutupad naman hindi mas maaga sa Hulyo 1, na magdadala sa kabuuang terminal fee sa ₱90.
Mas mababa ito sa panukalang ₱100 terminal fee ng Asian Terminals Inc.–Batangas (ATIB), ang pribadong operator ng Batangas Port.
Ayon sa ATIB, ang hiling na dagdag-singil ay isang “cost recovery measure” upang mapanatili ang mataas na antas ng serbisyo at pasilidad sa terminal, lalo’t wala umanong naging pagtaas sa terminal fee sa Batangas Port mula pa noong 2010.
Ipinaliwanag ng ATIB na ang kanilang petisyon na inihain noong Oktubre 2024 ay tumugon sa mga kontraktuwal na obligasyon at sa mga rekisito ng Philippine Ports Authority Administrative Order No. 11-2019. Kinuwenta umano ang panukalang terminal fee batay sa kabuuang gastos sa operasyon ng terminal na hinati sa inaasahang bilang ng mga nagbabayad na pasahero.
Sa panukalang ₱100 terminal fee (may kasamang VAT), tinukoy ng ATIB na 38 porsiyento nito ay ilalaan sa maintenance at pag-aayos ng mga pasilidad, 18 porsiyento para sa gastos sa paggawa, 14 porsiyento para sa safety at security, at ang natitira ay para sa utilities at iba pang gastusing administratibo.
Mananatiling exempted sa pagbabayad ng terminal fee ang mga estudyante, senior citizens, persons with disability (PWD), mga unipormadong personnel, Medal of Valor recipients, at ang kanilang mga first-degree dependents.
Ikinumpara rin ng ATIB ang terminal fee sa Batangas sa iba pang pantalan, gaya ng ₱104.50 sa North Port sa Manila North Harbor at ₱150 sa Boracay.
Dagdag pa ng terminal operator, naisakatuparan ang modernisasyon ng Batangas Passenger Terminal sa ilalim ng public-private partnership na walang ginastos ang pamahalaan. Ang ₱25-milyong proyekto na pinasinayaan noong Abril 2024 ay nagpalawak sa terminal building mula 4,500 square meters tungo sa 15,000 square meters, na may kakayahang magsilbi sa mahigit 8,000 pasahero sa isang pagkakataon.
Inaasahang maglalabas ang Commercial Services Department ng PPA ng revised schedule ng mga singilin sa Port of Batangas sa loob ng 30 araw matapos mailathala ang Memorandum Circular No. 017-2025, na magsasama na ng bagong passenger terminal fee.


































