Nasawi ang isang walong taong gulang na bata habang sugatan ang dalawa pa nitong kasamang menor de edad matapos silang masalpok ng isang motorsiklong minamaneho umano ng lasing na construction worker sa bayan ng Alcantara, Romblon, kagabi, December 23.
Batay sa ulat ng Romblon Police Provincial Office, pauwi na mula sa pangangaroling ang tatlong magpipinsang bata na may edad na 8, 10, at 11 taong gulang nang mangyari ang insidente. Naglalakad umano ang mga bata sa gilid ng kalsada nang biglang sumulpot ang isang motorsiklong mabilis ang takbo at nawalan ng kontrol ang rider.
Kinilala ng pulisya ang rider bilang si alyas “Jake,” 28 anyos, isang construction worker.
Dahil sa lakas ng banggaan, tumilapon ang motorsiklo pati ang sakay nito, gayundin ang tatlong bata na nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan, kabilang ang ulo.
Agad na isinugod sa Don Modesto Formilleza Sr. Memorial Hospital sa Looc, Romblon ang mga biktima pati na ang rider at backride.
Kalaunan, inilipat sa Romblon Provincial Hospital ang walong taong gulang na bata dahil sa malubhang pinsala ngunit idineklara rin itong dead on arrival.
Ayon sa pulisya, posibleng maharap ang suspek sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Multiple Physical Injuries.
Muling nagpaalala ang mga awtoridad sa publiko na iwasan ang pagmamaneho ng lasing, lalo na ngayong holiday season, upang maiwasan ang mga trahedyang katulad nito.




































Discussion about this post