Magpapadala ang United Nations Children’s Fund (UNICEF) ng temporary learning shelters (TLS) para sa mga paaralang matinding naapektuhan ng Bagyong Opong sa lalawigan ng Romblon noong Setyembre, bilang suporta sa agarang pagpapatuloy ng klase sa mga lugar na may nasirang silid-aralan.
Ayon sa Department of Education – Romblon, kabilang sa mga tatanggap ng 72-square-meter tents ang Victorio Sixon Balogo National High School, Armin Rios Marin National High School, Danao National High School, Tanagan National High School, at Tomas and Maria Maglaya Elementary School.
Tugon ito sa panawagan ng ahensya upang maibalik ang normal na operasyon ng mga paaralan at matiyak na hindi maaantala ang edukasyon ng mga batang Romblomanon.
Sinabi ni Schools Division Superintendent Roger F. Capa, CESO VI, na napakalaking responsibilidad ang pamumuno sa panahon ng kalamidad dahil libo-libong guro at daang-libong mag-aaral ang umaasa sa kanilang opisina.
Habang patuloy ang pagsasaayos ng mga nasirang silid-aralan, magsisilbing pansamantalang classrooms ang TLS mula sa UNICEF upang hindi maputol ang pag-aaral. Kapag nakapagtayo na ng mga bagong gusali, maaari namang ilipat ang tents sa iba pang paaralang nangangailangan.
Nagpahayag ng pasasalamat ang SDO Romblon sa mabilis na tugon ng UNICEF, at iginiit na sa pamamagitan ng bayanihan at malasakit, muling makakabangon ang sektor ng edukasyon sa lalawigan matapos ang pananalasa ng bagyo.




































Discussion about this post