Natapos nang maipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD)–Romblon ang ₱22.5 milyon na ayuda para sa 7,500 residente ng lalawigan na kabilang sa mga pamilyang kapos sa kita sa ilalim ng Ayuda Para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).
Bawat benepisyaryo ay tumanggap ng ₱3,000, na pinondohan sa inisyatiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at ng Office of the President sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos ang request ni Romblon Representative Eleandro Jesus Madrona.
Sa isang talumpati sa Cajidiocan sinabi ni Cong. Madrona na ₱7.5 milyon ng pondo ay direktang inilaan ng Office of the President upang matulungan ang 2,500 target beneficiaries sa Romblon.

Sakop ng AKAP payout ang lahat ng 17 munisipyo sa lalawigan.
Isang opisyal mula sa DSWD Romblon ang nagbahayag na layunin ng programa na agad maihatid ang tulong sa mga pamilyang hirap maabot ang kanilang pang-araw–araw na gastusin. Bahagi rin ng implementasyon ang pagpapadama ng suporta at presensya ng pambansang pamahalaan sa mga benepisyaryo.
Bawat bayan ay binigyan ng nakalaang alokasyon upang matiyak na maaabot ang kabuuang 7,500 benepisyaryo ng AKAP sa buong lalawigan.
Samantala, sinabi ni Cong. Madrona na dapat ay noong Setyembre pa naisagawa ang pamamahagi ngunit naantala dahil sa epekto ng mga nagdaang bagyo, kaya inuna muna ang pagtulong sa mga nasalanta bago itinuloy ang AKAP rollout.
Tiniyak ng kongresista na magpapatuloy ang pagbibigay ng ayuda ng DSWD, katuwang ang kanyang opisina, lalo na para sa mga tricycle driver, magsasaka, mangingisda, at iba pang sektor na kapos sa kita.




































Discussion about this post