Panalo ang lahat ng apat na Pinoy boxer na lumaban sa main card ng “Thrilla in Manila 2” na ginanap noong Oktubre 29, 2025, sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.
Ang event ay pinangunahan ni former senator at 8-division world champion Manny Pacquiao, na siya ring promoter sa ilalim ng Blow by Blow at MP Promotions, katuwang ang International Boxing Association (IBA) at Philippine Sports Commission (PSC).
Unang lumaban si former IBF Super Bantamweight Champion Marlon Tapales kontra kay Fernando Toro ng Venezuela sa isang 8-round bout. Ipinamalas ni Tapales ang matinding porma matapos patumbahin si Toro sa round 6 gamit ang kombinasyong body shot at right hook, dahilan upang hindi na ito makabangon matapos mabilang ng referee. Sa kasalukuyan, may record si Tapales na 25 wins, 4 losses, at 22 knockouts.
Sumunod naman si undefeated Carl Jammes “Wonder Boy” Martin, na hinarap si Aran Dipaen ng Thailand sa isang 10-round bout. Sa laban, kahit nadapa si Martin sa round 3, bumawi ito agad sa mga sumunod na round at ipinakita ang kanyang agresibong istilo. Sa round 9, napabagsak niya si Dipaen, at sa pagtatapos ng laban ay idinakilang panalo si Martin via Unanimous Decision. Si Martin, na 26 anyos, ay may malinis na rekord na 27 wins (20 KOs) at walang talo.
Sunod na sumalang si former Olympian at undefeated fighter Eumir Marcial (6–0, 4 KOs) laban kay Eddy Colminares ng Venezuela (13–2, 13 KOs). Sa laban, dalawang beses na-knockdown si Marcial — sa round 3 at round 10 — ngunit ipinakita niya ang kanyang tibay at determinasyon, dahilan upang siya ay manalo sa pamamagitan ng Majority Decision. Bagamat nagkaroon ng kontrobersiya sa resulta, nanindigan si Marcial na bukas siya sa rematch, sabay sabing itinuturing niya ang panalo bilang birthday gift para sa sarili.
Sa main event, matagumpay namang nadepensa ni WBC Minimumweight Champion Melvin Jerusalem ang kanyang titulo laban kay Siyakholma Kuse ng South Africa sa kanilang 12-round bout, sa pamamagitan ng Unanimous Decision. Bagamat ilang beses ding nakatama si Kuse, pinatunayan ni Jerusalem ang kanyang pagiging beterano at champion sa pamamagitan ng mas solid na kombinasyon at kontrol sa laban. Sa kasalukuyan, may rekord si Jerusalem na 25 wins, 3 losses, at 12 KOs, habang si Kuse ay may 9 wins at 4 losses.
Maliban sa mga Pinoy, naganap din ang ilang international bouts:
Tinalo ni Chris Thompson ng South Africa si Georgiy Yunovidov ng Russia sa Heavyweight Division, habang nanaig si Vadim Tukov ng Russia laban kay Sena Agbeko ng South Africa sa Middleweight Division. Samantala, nagtapos naman sa draw ang laban ni Nico Ali Walsh — apo ni Muhammad Ali — kontra kay Kittisak Klinson ng Thailand.
Ang “Thrilla in Manila 2” ay ginanap bilang paggunita sa ika-50 anibersaryo ng orihinal na “Thrilla in Manila” noong Oktubre 29, 1975, kung saan nagsagupa ang mga heavyweight legends na sina Muhammad Ali at Joe Frazier sa parehong venue — ang Araneta Coliseum. Dumalo rin sa naturang event ang ilang kilalang personalidad mula sa Pilipinas at ibang bansa, bilang pagpupugay sa makasaysayang laban na naglagay sa bansa sa mapa ng pandaigdigang boksing.




































Discussion about this post