Inalala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, sa pangunguna ni Governor Trina Firmalo-Fabic, ang yumaong Gerard Alexander Baranda Fallarme, isang kilalang award-winning theater art designer na tubong Concepcion, Romblon, na nag-iwan ng malaking ambag sa sining at kultura ng bansa.
Sa isang pahayag, ipinaabot ni Governor Fabic ang pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan ni Fallarme. Ayon sa gobernadora, ang husay, dedikasyon, at pagmamahal ni Fallarme sa sining ay patuloy na magiging inspirasyon hindi lamang sa mga taga-Romblon, kundi sa buong industriya ng teatro sa Pilipinas.
“Lubos na nakikiramay ang Pamahalaang Panlalawigan ng Romblon, sa pangunguna ni Governor Trina Firmalo-Fabic, sa pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan ni Gerard Alexander Baranda Fallarme—isang award-winning theater art designer na nag-ambag ng malaking inspirasyon sa mundo ng sining at kultura. Ang kanyang talento, dedikasyon, at pagmamahal sa sining ay mananatiling buhay sa bawat obra at alaalang iniwan niya,” ayon sa opisyal na pahayag ng gobernador.
Si Fallarme ay kinilala sa larangan ng set at production design sa mga kilalang dula at pagtatanghal sa bansa.
Kilalang mapagkumbaba at masigasig sa pagtataguyod ng sining, si Fallarme ay nagsilbing inspirasyon sa mga kabataang Romblomanon na nagnanais tahakin ang landas ng teatro at visual arts.
“Maraming salamat, Gerard, sa pagbigay kulay sa mundo ng teatro,” dagdag pa ni Gov. Fabic. “Muli, paalam—at nawa’y matagpuan mo ang kapayapaan sa piling ng Maykapal.”




































 
                
Discussion about this post