Nagpaabot ng kanyang taos-pusong pakikiramay si Senador Lito Lapid sa pagpanaw ng tinaguriang “Superstar” ng pelikulang Pilipino, si Nora Aunor. Ayon kay Lapid, si Aunor ay isang tunay na alamat sa larangan ng sining at pelikula sa bansa.
“Lubos ang aking pakikidalamhati sa pagpanaw ng isang tunay na alamat sa larangan ng sining at pelikulang Pilipino—ang nag-iisang Superstar, si Nora Aunor,” ani Lapid sa kanyang pahayag.
Binigyang-diin ng senador ang walang kapantay na kontribusyon ni Aunor sa industriya, mula sa pelikula, telebisyon, musika, hanggang sa pagbibigay-buhay sa mga kwentong sumasalamin sa realidad ng lipunan.
“Ang mahigit sa dalawandaang pelikula at palabas na tinampukan ni Nora Aunor ay hindi lamang nagbigay aliw, kundi nagsilbing liwanag sa ginintuang panahon ng pelikulang Pilipino,” ani pa niya.
Naalala rin ni Lapid ang pagkakataong nakasama niya si Aunor sa dalawang pelikula noong dekada ‘80 — ang Kastilyong Buhangin (1980) at Gaano Kita Kamahal (1981) sa ilalim ng direksyon ni Mario O’Hara. Dito niya nasaksihan ang kahusayan at pagiging propesyonal ni Aunor.
“Si Nora ay isang tunay na propesyonal, mapagkumbaba, at puno ng malasakit sa kapwa. Ang kanyang pamana ay hindi matutumbasan at ang kanyang pagkawala ay isang malaking kawalan sa ating bansa,” ani Lapid.
Sa kanyang mensahe, binigyang pugay din ni Lapid si Aunor bilang isang artista, ina, asawa, at huwarang Pilipina. Ipinapaabot din niya ang kanyang pakikiramay sa pamilya, mga kaibigan, at milyon-milyong tagahanga ng yumaong aktres.