Nagsama-sama ang mga senior citizen mula sa iba’t ibang bayan ng Romblon sa Cajidiocan nitong Biyernes para ipagdiwang ang 2025 Elderly Filipino Week, isang taunang aktibidad na nagbibigay-pugay sa mga nakatatandang mamamayan ng bansa.
Napuno ng kantahan, sayawan, at tawanan ang programa na nagsilbing pagkakataon upang magsaya, magtagpo, at magbahaginan ng karanasan ang mga lolo’t lola mula sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Mainit silang tinanggap ni Mayor Greggy Ramos ng Cajidiocan, na nagpahayag ng pasasalamat sa mga lumahok at sa dedikasyon ng mga senior citizen bilang haligi ng kanilang mga pamilya at komunidad.
Sa mensahe ni Sharon Galiga mula sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), tiniyak niyang patuloy ang pamahalaang panlalawigan sa pagpapatupad ng mga programang magpapabuti sa kalagayan at kapakanan ng mga senior citizens.
Kabilang sa mga programa para sa mga nakatatanda sa Romblon ang libreng maintenance medicine, cash incentives para sa mga matatandang umaabot sa natatanging edad, at ang pagbibigay ng social pension sa mga kwalipikadong benepisyaryo alinsunod sa umiiral na mga batas.
Ipinaliwanag naman ni Dr. Rolando Forca, focal person for senior citizens ng pamahalaang panlalawigan, na may mga batas tulad ng Expanded Senior Citizens Act at Social Pension Program na nagsusulong sa karapatan ng mga matatanda sa tulong pinansyal, libreng serbisyo, at diskwento sa mga pangunahing pangangailangan.
Ayon kay Forca, mahalagang mapanatili ang partisipasyon ng mga senior citizen sa mga aktibidad ng pamahalaan bilang pagkilala sa kanilang ambag at bilang paraan upang maisulong ang aktibong pamumuhay at social inclusion sa kanilang hanay.
Ang taunang pagdiriwang ng Elderly Filipino Week ay isinasagawa tuwing unang linggo ng Oktubre sa bisa ng Proclamation No. 470, na layong kilalanin at ipagdiwang ang mga kontribusyon ng mga nakatatanda sa lipunan.




































Discussion about this post