Tampok sa OBRA MIMAROPA 2025 ang mga natatanging produkto ng lalawigan ng Romblon sa ginaganap na trade at creative exhibition ng rehiyon sa Glorietta Activity Center, Makati City, mula Oktubre 2 hanggang Oktubre 5.
Sa kabuuan, may 57 exhibitors mula sa 92 MSMEs sa buong MIMAROPA Region ang lumahok sa naturang aktibidad, kabilang ang 10 exhibitors mula sa Palawan.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Regional Director Joel Delliro, layunin ng OBRA MIMAROPA na tulungan ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) na makapasok sa mas malawak na merkado, makipag-ugnayan sa iba’t ibang negosyo, at mapataas ang kanilang benta. Target ng trade show na makalikom ng ₱6.9 milyon sa sales—katumbas ng pitong porsyentong pagtaas mula noong 2024.
Ang OBRA MIMAROPA ay nagsisilbing platforma para sa mga MSMEs na nakinabang sa mga programa ng pamahalaan gaya ng One Town, One Product (OTOP), Shared Service Facilities (SSF), Coconut Farmers Industry Development Plan (CFIDP), at Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
Ayon sa DTI, ang naturang aktibidad ay higit pa sa karaniwang trade fair dahil nagbibigay ito ng pagkakataon para sa networking at market linkage sa mga institutional buyers at iba pang stakeholders.
Samantala, ipinahayag ni Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic ang kanyang pagmamalaki sa mga MSME mula sa kanilang lalawigan na bahagi ng naturang event.
“Proud na proud ako sa ating mga MSMEs from Romblon na dala ang galing ng ating probinsya, mula sa world-class marble products, elegant furnitures, handcrafted pieces, masasarap na baked treats, cacao, artworks, hanggang sa iba’t ibang food products na siguradong magugustuhan ninyo,” pahayag ni Fabic.
Discussion about this post