Naglabas ng advisory ang Tanggapan ng Sangguniang Bayan ng Romblon matapos makatanggap ng ulat na may ilang tricycle driver na naniningil na umano ng ₱20 base fare, kahit hindi pa ito pinal na naaprubahan ng konseho.
Ayon sa naturang abiso, bagama’t nagkaroon na ng public hearing kaugnay ng panukalang dagdag-pasahe, hindi pa ito ganap na napagtitibay at kasalukuyan pang dumaraan sa itinakdang proseso ng batas.
Dahil dito, pinaalalahanan ng Sangguniang Bayan ang lahat ng tricycle driver na manatili muna sa kasalukuyang ₱15 base fare hanggang sa makapaglabas ng opisyal na ordinansa na magpapatibay sa anumang pagbabago sa pamasahe.
Sa nagdaang public hearing noong Setyembre 25, hinimok ni SB Hannah Fontilar ang mga kinatawan ng mga estudyante at iba pang sektor ng commuting public na magsumite ng position paper hinggil sa panukalang fare hike ng TODA.
Ayon kay Fontilar, magpapadala ng liham ang Committee on Transportation, na pinamumunuan ni SB Cabo Faigao, sa mga sektor na hindi nakadalo upang hingin ang kanilang komento, suhestiyon, at pagpayag kaugnay ng panukalang dagdag-pasahe.
Tiniyak din ni Fontilar na muling pag-uusapan ang usapin sa committee level ng Sangguniang Bayan bago ito iakyat sa plenaryo para sa posibleng pag-apruba o pagbabago ng ordinansa.
“Kapag nakapagsumite na sila ng kanilang position paper at mga komento, kami po sa Sangguniang Bayan, sa pamamagitan ng committee meeting, ay doon po ibabase kung ano talaga ang mas mainam na solusyon para sa isyung ito,” ani Fontilar.
Discussion about this post