Patay ang isang 37-anyos na lalaki matapos pagtatagain ng kanyang nakainuman sa gitna ng pagtatalo sa Barangay Camili, Alcantara, Romblon, tanghali nitong Miyerkules, October 29.
Batay sa ulat ng Romblon Provincial Police Office, kinilala ang biktima sa alyas Gerry, habang ang suspek naman ay kinilala sa alyas Tom, 36 anyos, at isang caretaker ng babuyan. Ayon sa imbestigasyon, nag-iinuman ang dalawa, kasama ang tatlong iba pang lalaki, nang magkaroon ng mainitang pagtatalo dahil sa hindi pa matukoy na dahilan.
Sa kasagsagan ng inuman, bigla umanong kumuha ng talibong ang suspek at tinaga ang biktima. Sinubukan pang salagin ng biktima ang unang palo gamit ang kamay at agad tumakbo papunta sa palayan upang umiwas, ngunit hinabol ito ng suspek.
Nang maabutan sa palayan, tinatayang 70 metro mula sa bahay ng biktima, ay dito na umano siya pinagtataga at pinagsasaksak, na nagresulta sa kanyang agarang pagkamatay. Nagtamo ng mga sugat ang biktima sa siko, kamay, leeg, at mukha, pati na rin ng mga saksak sa likod batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya.
Matapos ang insidente, tumakas ang suspek ngunit agad itong naaresto ng mga tauhan ng Alcantara Municipal Police Station sa Barangay San Isidro sa isinagawang hot pursuit operation. Narekober mula sa kanya ang 27-pulgadang talibong na ginamit sa krimen.
Kasalukuyan nang nakakulong ang suspek at sasampahan ng kasong murder sa piskalya.




































Discussion about this post