Inihayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang plano ng ahensya na taasan ang bilang ng prepositioned family food packs sa lalawigan ng Romblon mula 7,500 hanggang 20,000, upang matiyak ang mas mabilis na pagtugon ng pamahalaan sa panahon ng kalamidad.
Sa kanyang pagbisita sa Sibuyan Island nitong Linggo, nakipagpulong si Gatchalian sa mga lokal na opisyal ng iba’t ibang bayan sa lalawigan at hinimok silang lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa DSWD para sa paggamit ng mga pasilidad o bodega kung saan maaaring itago ang karagdagang mga food pack.
Ayon kay Gatchalian, layunin ng hakbang na ito na mapabilis ang pamamahagi ng tulong sa oras ng kalamidad, lalo na’t ang Romblon ay binubuo ng mga isla na kadalasang napuputol ang transportasyon kapag may bagyo.
Ipinaliwanag ng kalihim na sa pamamagitan ng dagdag na prepositioned goods sa loob ng lalawigan, maaari nang agad makapagbigay ng ayuda sa mga residente kahit hindi pa nakarating ang tulong mula sa regional o national warehouses.
Bahagi umano ito ng disaster preparedness strategy ng DSWD para sa mga probinsyang madalas ma-isolate kapag may bagyo, tulad ng Romblon.
Dagdag ni Gatchalian, ang inisyatibang ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang koordinasyon ng national at local government upang matiyak ang mabilis at epektibong relief operations sa panahon ng sakuna.