Dalawampu’t apat (24) na tindahan mula sa sampung bayan sa lalawigan ng Romblon ang kasalukuyang nakikiisa sa isinasagawang In-Store Diskwento Caravan ng Department of Trade and Industry (DTI)-Romblon bilang bahagi ng pagdiriwang ng Consumer Welfare Month ngayong Oktubre.
Layunin ng programa na maibsan ang gastusin ng mga mamimili sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado, habang binibigyan din ng pagkakataon ang mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na maipakilala ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado.
Sa tulong ng mga katuwang na kooperatiba at MSMEs, makakabili ang mga residente ng mga pangunahing bilihin, construction materials, grocery items, at iba pang produkto sa mas mababang halaga at may diskwento mula lima hanggang dalawampung porsiyento depende sa uri ng produkto.
Ang mga tindahang kalahok ay mula sa mga bayan ng Alcantara, Banton, Cajidiocan, Calatrava, Looc, Odiongan, Romblon, San Agustin, San Andres, at San Jose. Sa bawat bayan, may nakatakdang tindahan o kooperatibang nagsisilbing local partner outlet kung saan maaaring makabili ng diskwentong produkto ang mga mamimili.
Bukod sa pagbibigay ng diskwento, layunin din ng aktibidad na mapalakas ang ugnayan ng lokal na negosyo at pamahalaan, na mahalaga sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng probinsya. Kabilang ito sa mga pangunahing aktibidad ng DTI tuwing Consumer Welfare Month, alinsunod sa Proclamation No. 1098 na nagtatakda ng Oktubre bilang buwan ng pagkilala sa karapatan at kapakanan ng mga mamimili.
Magtatagal ang Diskwento Caravan sa mga participating stores hanggang bukas, Oktubre 10, kaya hinikayat ng DTI-Romblon ang mga residente na samantalahin ang pagkakataong makabili ng mas murang produkto sa kanilang mga bayan.
Discussion about this post