Pormal nang ipinasa ng Philippine Statistics Authority (PSA) MIMAROPA sa lahat ng lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Romblon ang resulta ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS).
Isinagawa ang turnover ceremony noong Martes, Setyembre 16, sa bayan ng Romblon na dinaluhan ng mga lokal na opisyal at kinatawan mula sa iba’t ibang munisipalidad.
Ayon kay Engr. Johnny Solis, Chief Statistical Specialist ng PSA Romblon, may access na ngayon ang lahat ng LGU sa lalawigan sa CBMS data, na maaaring gamitin bilang batayan sa program planning, implementasyon ng proyekto, at monitoring sa lokal na antas.
Ipinapakita ng CBMS ang komprehensibong datos ukol sa iba’t ibang aspeto ng pamumuhay sa komunidad gaya ng populasyon at demograpiya, kalusugan, edukasyon, trabaho, pabahay, kita, access sa pangunahing serbisyo, at iba pang sektor. Kinokolekta ang datos sa antas ng kabahayan, kaya’t nagkakaroon ang LGU ng updated na profile ng kanilang mga nasasakupan mula kapanganakan hanggang kamatayan.
Nagpahayag ng pasasalamat si Romblon Governor Trina Firmalo-Fabic sa PSA at binigyang-diin na gagamitin ng pamahalaang panlalawigan ang nasabing datos bilang gabay sa kanilang development planning. Aniya, gagamitin ng Provincial Planning and Development Office ang impormasyon upang makapagdisenyo ng mga programa at proyektong tumutugon sa aktuwal na kalagayan ng mga Romblomanon.
Ibinahagi rin ng Gobernador na noong siya’y alkalde pa ng Odiongan, nagsilbing batayan ang CBMS data sa pagtukoy ng kwalipikadong benepisyaryo ng Pamaskong Handog distribution program, na nagbigay-daan sa mas tumpak na pag-abot sa mga pamilyang tunay na nangangailangan.
Pinaalalahanan ng PSA ang mga LGU na magtalaga ng mga lokal na data officer na sasanayin upang pamahalaan ang CBMS outputs alinsunod sa Data Privacy Act. Sila ang magiging responsable sa wastong paggamit, seguridad, at pangangasiwa ng datos para lamang sa opisyal na layunin.
Dagdag pa ng PSA, ia-update ang CBMS kada tatlong taon upang patuloy na makapagbigay sa mga LGU ng napapanahon at maaasahang impormasyon para sa evidence-based policymaking.
Discussion about this post