Hinimok ng Philippine Health Insurance Corporation ang mga Romblomanon na gamitin ang libreng medical check-up, laboratory tests, at mga gamot na maaaring makuha sa ilalim ng iba’t ibang programa ng ahensya.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Miyerkules, sinabi ni Leandro Flores, Chief Social Insurance Officer ng PhilHealth Romblon, na hindi na dapat mangamba ang mga pasyente na magpagamot dahil sasagutin na ng PhilHealth ang mga gastusin.
Aniya, saklaw na ngayon ng YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program ang mga konsultasyon sa pampublikong ospital, laboratory procedures, at mga gamot na irereseta ng mga doktor. Ang YAKAP ay inilunsad bilang mas pinahusay na bersyon ng naunang Konsulta package ng ahensya.
Bukod sa YAKAP, ipinaliwanag din ni Flores na may iba pang mga benepisyo ang PhilHealth na tumutugon sa pangangailangan ng mga pasyente na dumaraan sa pagkaka-ospital, malulubhang sakit, at mga espesyal na medikal na kaso—lahat ay may layuning mapagaan ang gastusin ng mga pasyente at kanilang pamilya.
Dagdag pa niya, patuloy ang akreditasyon ng PhilHealth sa mas maraming ospital, rural health units, at parmasya sa lalawigan upang mapalawak ang access sa mga programa.
Tiniyak din ni Flores na palalakasin ng PhilHealth ang pakikipagtulungan nito sa mga lokal na pamahalaan at health facilities sa Romblon upang masiguro na walang pasyente ang mapag-iiwanan pagdating sa serbisyong pangkalusugan.
Discussion about this post