Muling idaraos ang OBRA MIMAROPA Trade Show sa Glorietta Activity Center, Makati City mula Oktubre 2-5, 2025, tampok ang mas pinalawak na hanay ng mga lokal na negosyante at malikhaing produkto mula sa rehiyon.
Magpapakita sa naturang trade show ang 60 retail booths na may iba’t ibang produktong mula sa pagkain, fashion, at furnishings na gawa ng mga MSMEs mula sa Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan.
Sa unang taon ng OBRA MIMAROPA, nakalikha ito ng higit ₱6 milyon na benta at nakahikayat ng daan-daang mamimili mula sa Metro Manila. Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), target nilang higitan ang nasabing kita ngayong taon sa tulong ng mahigit 80 micro, small, at medium enterprises kasama ang 25 katuwang na ahensya ng pamahalaan at mga sponsor.
Ang tema ng trade show ngayong taon ay “Marami pa sa MIMAROPA,” na nagtatampok ng iba’t ibang mukha ng lokal na kabuhayan at entrepreneurship sa rehiyon. Bukod sa karaniwang booth displays, tampok din ang showroom exhibits na magbibigay ng sulyap sa pamumuhay sa Mindoro, Marinduque, Palawan, at Romblon.
Magkakaroon din ng kakaibang karanasan sa Coco Bar, kung saan maaaring tikman ng mga bisita ang iba’t ibang pagkain at inumin na gawa sa niyog mula sa mga benepisyaryo ng Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP). Ipapakita rin ang mga prototype mula sa product development sessions na isinagawa sa mga probinsya upang ilantad ang umuusbong na husay ng mga lokal na manggagawa at artisan.
Kasabay nito, magsasagawa rin ng serye ng mga talakayan, orientation, at performance mula sa iba’t ibang industriya kabilang ang FDA requirements, coconut trends, consumer advocacy on e-commerce, pricing strategies, at advertising industry. Ang mga sesyon ay libre at bukas para sa lahat ng bisita at mamimili.
Inaabangan sa Oktubre 2 ang pagbubukas ng trade show na dadaluhan ng mga opisyal mula sa DTI, pambansang pamahalaan, at mga lokal na pamahalaan.
Katuwang sa pagsasagawa ng OBRA MIMAROPA ang Philippine Exporters Confederation, Inc. – MIMAROPA, mga pamahalaang panlalawigan ng Occidental Mindoro, Marinduque, at Romblon, mga lungsod ng Calapan at Puerto Princesa, gayundin ang DA, DOT, DOST, DICT, at DMW MIMAROPA. Ang GCash naman ang opisyal na payment partner ng trade show.
Para sa karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ang mga opisyal na Facebook at Instagram account ng DTI MIMAROPA.
Discussion about this post