Isinagawa sa bayan ng Odiongan sa Tablas Island, Romblon sa Romblon Island, at Cajidiocan sa Sibuyan Island ang Handog ng Pangulo Serbisyo Fair nitong Setyembre 13, kasabay ng ika-68 kaarawan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa tatlong bayan, naghatid ng iba’t ibang serbisyo ang mga national government agencies. Kabilang dito ang pamamahagi ng ₱28.2 milyong halaga ng interbensyon mula sa Department of Agriculture (DA) gaya ng mga binhi, pataba, fuel cards, at makinaryang pansaka kabilang ang 4-wheel drive tractor, combine harvester, at rice mill.
Nagsagawa rin ang Department of Trade and Industry (DTI) ng mini trade fair na tampok ang mga lokal na produkto mula sa micro, small and medium enterprises. Sa bayan ng Romblon, ipinagkaloob ng Department of Science and Technology (DOST) ang ₱1,049,299 na pondo para sa pagpapatupad ng solar-powered CharM charging station na gagamitin para sa e-trike at iba pang electric vehicles.
Namahagi rin ng toolkits at allowance ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa mga nagsipagtapos sa iba’t ibang programa. Nagbigay naman ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mahigit ₱1 milyon na tulong sa mga MSME at asosasyon at nagsagawa ng job fair sa Odiongan.
Naglatag din ng serbisyo ang iba pang ahensya: service on wheels mula sa Department of Education (DepEd), agarang tulong mula sa PhilHealth at Pag-IBIG, assistance para sa mga Agrarian Reform Beneficiaries mula sa Department of Agrarian Reform (DAR), at libreng Wi-Fi at eGov app assistance mula sa Department of Information and Communications Technology (DICT).
Idinaos ang mga aktibidad bilang bahagi ng Handog ng Pangulo Serbisyo Fair na isinagawa rin sa iba’t ibang panig ng bansa.
Discussion about this post