Maaari nang makakuha ng hanggang ₱20,000 halaga ng mga pangunahing gamot kada taon ang mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa lalawigan ng Romblon sa ilalim ng YAKAP o Yaman ng Kalusugan Program.
Sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Miyerkules, sinabi ni Leandro Flores, Chief Social Insurance Officer ng PhilHealth Romblon, na ang YAKAP program ay pagpapalawak ng dating Konsulta Program na ngayon ay may mas maraming benepisyo at mas malawak na saklaw.
Mula sa orihinal na 21 uri ng gamot na saklaw ng Konsulta, pinalawak ng YAKAP ang listahan nito sa 75 uri ng gamot sa ilalim ng GAMOT benefit, kabilang ang mga maintenance at essential drugs para sa mas mahusay na pamamahala ng hypertension, diabetes, hika, at iba pang pangmatagalang karamdaman.
Bukod sa mga gamot, isinama rin sa YAKAP ang mga serbisyo sa cancer screening at mas malawak na hanay ng laboratoryo at diagnostic tests para sa mas maagang pagtuklas at mas epektibong pangangasiwa ng mga kondisyon sa kalusugan.
Binigyang-diin ni Flores na malaki ang maitutulong ng programa sa mga mahihinang sektor tulad ng mga nakatatanda, mahihirap na pasyente, at persons with disabilities (PWDs) na kadalasang nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng mga maintenance drugs at diagnostic procedures.
Sa kasalukuyan, apat na parmasya sa Romblon ang sumasailalim sa proseso ng akreditasyon sa ilalim ng YAKAP program, habang isang ospital naman ang nagsumite na ng intensiyon para makapagbigay ng cancer screening services sa mga miyembro ng PhilHealth.
Upang makakuha ng libreng gamot, kinakailangang magparehistro muna ang mga miyembro sa isang YAKAP-accredited provider para sa konsultasyon. Kapag may reseta mula sa isang PhilHealth-accredited doctor, maaaring dalhin ito ng pasyente sa accredited na botika kung saan ibibigay ang gamot at direktang sisingilin sa PhilHealth, kaya’t wala nang kailangang ilabas na pera mula sa miyembro. Pagkatapos kunin ang gamot, makakatanggap din ang miyembro ng dokumento na nagsasaad ng natitirang balanse mula sa kanilang ₱20,000 taunang allocation para madaling mamonitor ang benepisyo.
Hinimok din ni Flores ang mga miyembro na i-update ang kanilang PhilHealth records at pumili ng YAKAP provider mula sa 23 accredited health facilities sa lalawigan, kabilang dito ang halos lahat ng ospital at rural health units.
Ang YAKAP program ay alinsunod sa Universal Health Care (UHC) Law ng pamahalaan, na naglalayong gawing mas abot-kamay at abot-kaya ang serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino, lalo na sa mga malalayong probinsya gaya ng Romblon.



































