Nakatanggap ng kabuuang ₱28.2 milyon na halaga ng ayuda ang mga magsasaka mula sa probinsya ng Romblon mula sa Department of Agriculture (DA) sa ginanap na Handog ng Pangulo Serbisyo Fair sa Magsaysay Park, Romblon town noong Setyembre 13, kasabay ng ika-68 kaarawan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Kabilang sa mga ipinamahaging tulong ang binhi, pataba, at fuel cards para sa mga magsasaka sa bayan ng Romblon, gayundin ang turnover ng malalaking makinaryang pansakahan sa iba’t ibang asosasyon sa Tablas Island.
Ilan sa mga naipamahaging kagamitan ay isang 4-wheel drive tractor na nagkakahalaga ng ₱1.8 milyon para sa Tabobo-an Farmers Association, Panique Farmers Association, Agpudlos Irrigators Association, Tugdan Farmers Association, at Carmen Farmers Association.
Nabigyan naman ng tig-isang combine harvester na nagkakahalaga ng ₱1.75 milyon ang Maghali ARB Farmers Association, Dapawan Farmers and Fisherfolks Association, at Cabolutan Farmers Association. Samantala, nakatanggap ng tig-₱1.3 milyong halaga ng rice mill ang Lanuton Farmers Association, Hablon Farmers Association, Tanagan Farmers Association, at Caboaya Farmers Association.
Nagpahayag ng pasasalamat si Emerson Forteza, chairman ng Maghali ARB Farmers Association, sa DA at kay Pangulong Marcos sa suportang naihatid sa kanilang komunidad.
Ayon sa kanya, makatutulong ang mga makinarya upang mabawasan ang pagkawala ng ani at makapagtipid ang mga magsasaka dahil mas mababa na ang bayad sa serbisyo ng pag-aani kumpara sa paggamit ng pribadong harvester.
Ang aktibidad ay bahagi ng nationwide Handog ng Pangulo Serbisyo Fair na layong dalhin nang direkta sa mga komunidad ang iba’t ibang programa at serbisyo ng pamahalaan.
Discussion about this post