Tiniyak ng Department of Education (DepEd) na kabilang ang mga last mile schools sa Romblon sa mga prayoridad ng ahensya na malagyan ng mga kinakailangang pasilidad sa susunod na taon, kabilang ang kuryente, internet connectivity, at iba pang imprastruktura upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa mga malalayong komunidad.
Sa pagdinig ng Senado para sa panukalang 2026 budget ng DepEd nitong Martes, binigyang-diin ni Senator Loren Legarda ang matinding sakripisyo ng mga estudyante at guro sa mga liblib na lugar na kailangang tumawid ng ilog, maglakad ng kilometro, at minsan ay manatili pa sa paaralan ng ilang araw para lamang makapagturo at makapag-aral.
Isang halimbawa ang binanggit ni Legarda mula sa Romblon, kung saan tatlong guro sa isang paaralan ng katutubo ang nagbaon ng bigas at gulay para manatili ng ilang araw sa paaralan, kasama ang kanilang mga estudyante.
“Mayroong mga estudyante na tumatawid ng ilog, umaakyat ng bundok, naglalakad ng ilang kilometro para makapasok. Nangyayari sa amin ‘yan sa Antique, nangyayari sa napakaraming probinsya,” ayon kay Legarda.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, malinaw na direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagtutok sa ganitong uri ng mga paaralan.
Bahagi nito ang pagbibigay ng kuryente sa mahigit 200 hanggang 300 paaralan sa pakikipagtulungan ng National Electrification Administration (NEA), ngunit iginiit ng kalihim na hindi elektripikasyon lamang ang tututukan.
“I think it’s a priority. The President has made it his priority,” pahayag ni Angara.
Noong Hunyo, inilunsad ng DepEd at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang Digital Bayanihan Project upang palawakin ang internet access sa mga paaralan sa Geographically Isolated and Disadvantaged Areas (GIDA).
Discussion about this post