Ilang punong barangay mula sa lalawigan ng Romblon ang nagbigay ng courtesy visit kay Cong. Eleandro Jesus “Budoy” Madrona, nitong September 22, habang nasa sideline ng kanilang apat na araw na seminar na inorganisa ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas – Romblon Chapter.
Sa naging pagpupulong, tinalakay ang mga prayoridad na programa para sa mga komunidad, kabilang ang pagpapatupad ng mga proyekto sa pamamagitan ng tamang proseso.
Iginiit din ng mga barangay leaders sa kongresista na walang tinatawag na “ghost projects” sa kanilang mga lugar.
Lahat ng proyekto ay pormal umano nilang hiniling at idinadaan sa tamang proseso upang masiguro na ito ay tunay na makikinabang ang kanilang mga nasasakupan.
Binigyang-diin din sa usapan ang kahalagahan ng transparency at accountability sa pagpapatupad ng mga inisyatiba ng pamahalaan, at tiniyak na hindi pinahihintulutan ang mga gawa-gawang proyekto na walang basehan.
Kasabay nito, nagpakita rin ng suporta ang mga opisyal ng barangay kay Cong. Madrona, na isa sa mga opisyal ng pamahalaan na pinangalanan ng mag-asawang Discaya bilang umano’y nakikinabang sa kickback mula sa mga flood control projects.


































