Isinagawa sa Romblon Public Plaza ang World Café of Opportunities ng Technical Education And Skills Development Authority Romblon, katuwang ang Romblon National Institute of Technology at Provincial Training Center nitong August 14. Ito ay isang job fair activity na layong magbigay ng oportunidad sa mga Romblomanon na naghahanap ng trabaho, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-31 anibersaryo ng ahensya.
Nilalayon din ng aktibidad na mapadali ang proseso ng paghahanap ng trabaho at matulungan ang mga aplikante nang hindi na kailangang bumiyahe sa malalayong lugar.
Dinaluhan ito ng iba’t ibang kompanya gaya ng Sunwest Inc., Mitsukoshi, Megatrend, El Elohe, Asia Pro, at Approache, na nag-aalok ng iba’t ibang posisyon.
Isa sa mga aplikante, si Janet Tanco, na nag-apply bilang lady guard sa El Elohe Security Training Institute, Inc., ay hinikayat ang mga job seekers na laging maging handa sa resulta ng kanilang aplikasyon.
“Huwag magpadala sa kaba, relax lang para ‘yung mind mo ready sa mga tanong-tanong, at laging nasa puso mo na matanggap man o hindi, tuloy lang,” pahayag nito.
Ayon naman kay Melanie Mendoza, Job Placement Officer ng TESDA Romblon, mahalagang taglay ng mga naghahanap ng trabaho ang Knowledge, Skills, and Attitude (KSA) upang maging matagumpay.
“Nakikita namin na andami talagang naghahanap ng trabaho at alam namin na kami, bilang TESDA, hindi lang skills ang kaya naming ibigay kundi pati na rin tulong sa paghahanap ng trabaho para sa mga TESDA graduates at sa mga unemployed Romblomanons,” dagdag pa niya.
Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong unang buwan ng 2025, bumaba ang unemployment rate sa MIMAROPA mula 4.5% noong nakaraang taon sa 4.4% ngayong taon.
Bukod sa job interviews, may mga booth din para sa national ID registration ng PSA at PhilHealth ID registration para sa mga nais magparehistro.



































