Sa kaniyang keynote address sa turnover ceremony ng Marble Industry Roadmap ngayong Huwebes, Agosto 21, hinimok ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato U. Solidum, Jr. ang mga kabataan na tuklasin ang mga oportunidad sa lumalagong industriya ng marmol sa Romblon.
“Tulad ng mga magsasaka, tumatanda na rin ang ating mga marmolista, kaya’t kailangan natin ng iba pang approach para mahikayat ang mga kabataan,” pahayag ni Solidum.
Binigyang-diin niya na hindi dapat nakabatay lamang ang industriya sa pisikal na paggawa, kundi dapat ding pagtuunan ng pansin ang talino, inobasyon sa disenyo, at pangangalaga sa kalikasan.
Layunin din aniya na manatili ang mga Romblomanon sa kanilang lalawigan sa halip na mangibang-bayan, dahil marami pang oportunidad na maaaring mapakinabangan dito.
Dagdag pa ni Solidum, kailangang lampasan ang tradisyonal na pananaw sa gamit ng marmol.
“Hindi lang ito sa paggawa ng mortar and pestle, almeres, urns, sahig o dingding,” ayon kay Solidum.
Ibinahagi rin niya ang ilang inisyatiba ng DOST, kabilang ang paggamit ng ground calcium carbonate mula sa marmol bilang additive sa pintura—isang paraan upang mapakinabangan ang mga basurang napagtabasan. Bukod dito, iminungkahi rin niya ang posibilidad ng paggamit ng marble dust para sa research and development, gaya ng paggawa ng ink para sa 3D printing.
Hinalimbawa niya ang ginagawa ng DOST sa Bicutan pinipirint ang mga plastic, ceramic, metal at concrete kaya posible umanong mapag-aralan ang marble dust para makagawa ng iba pang disenyo at produkto mula sa marmol.



































