Mas pinadali na ang mga transaksyon sa bayan ng Romblon matapos ilunsad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang programang Paleng-QR Ph Plus sa lalawigan.
Layunin ng inisyatibang ito na isulong ang paggamit ng cashless transactions at e-wallets sa mga pamilihan, business establishments, at sa sektor ng transportasyon—lalo na sa mga tricycle.
Ayon kay BSP Puerto Princesa City Area Director Atty. Ronaldo Bermudez, makasaysayan ang paglulunsad dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na naisagawa ang programa sa Romblon.
“Kapag may QR codes na ang mga negosyante, nabibigyan ng opsyon ang mga mamimili na magbayad gamit ang cash o online payment,” paliwanag ni Bermudez.
Dagdag pa niya, sa pagsali ng Romblon, nakumpleto na ang limang probinsya ng MIMAROPA na kasama sa paggamit ng digital payments bilang alternatibong paraan ng pagbabayad.
“Sa mabilis na pag-unlad ng digital na panahon, ang Paleng-QR Ph Plus program ay nagsisilbing ilaw sa pagpapalawak ng access sa pananalapi sa pamamagitan ng pagpapadali sa karaniwang mamimiling Pilipino na mag-adopt sa cashless transaction,” dagdag pa ni Bermudez.
Gamit ng programa ang QR code technology na itinakdang pambansang pamantayan para sa ganitong sistema. Layunin nitong magbigay ng ligtas at maginhawang paraan ng pagbabayad para sa parehong merchants at customers.
Dumalo rin sa launching ang team ng GCash na tumulong sa pag-imprenta ng mga QR code para sa mga establisyemento.
Samantala, ipinahayag ni Governor Trina Firmalo-Fabic ang buong suporta sa programa at sinabing makikipagtulungan ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pag-iikot sa iba’t ibang bayan ng probinsya para sa onboarding process ng mga tindero at negosyante.
Katuwang din ng BSP sa paglulunsad ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of the Interior and Local Government (DILG).

Para kay Lalaine Mindoro, 35, tindera ng poultry products sa bagong pamilihan ng Romblon, malaking tulong ang pagkakaroon ng GCash QR code. Aniya, mas mabilis at “less hassle” ang bayaran dahil isang scan lang ng smartphone ay kumpirmado na ang transaksyon.
Hindi na rin siya nahihirapan sa sukli at nababawasan ang pagkakamali sa pagbibigay ng tamang halaga. Gayunpaman, aminado siyang may hamon din ang cashless payments dahil may kaltas sa kita at problema sa internet connection.
Samantala, may mga negosyante pa ring nahihirapan sa paggamit ng bagong sistema. Tulad ni Lilian Menes, isa ring tindera, mas komportable pa rin siyang gumamit ng cash dahil hindi siya sanay gumamit ng smartphone.
Ganito rin ang sitwasyon ng ilang mamimili. Ayon kay Salvacion Reyes, 61, natutulungan siya ng kanyang mga apo sa paggamit ng cashless payment dahil hindi pa siya bihasa.
Gayunpaman, nakikita niya ang benepisyo nito dahil sa mga pagkakataong naloloko siya sa sukli kapag cash ang gamit. Aniya, handa siyang matuto upang mas maging madali ang kanyang mga transaksyon sa hinaharap.



































