Pinatitigil ng lokal na pamahalaan ng Odiongan, Romblon ang konstruksyon ng mga gusali sa loob ng 319 ektaryang lupain sa Barangay Anahao at Canduyong dahil sa kawalan ng mga permit ng mga ito.
Kasunod ito ng pag-inspeksyon ngayong araw ng Municipal Planning and Development Office sa lugar.
Sa panayam kay Engr. Alexander Foja ng MPDO, sinabi nito na nasabihan niya na ang bantay ng itigil muna ang konstruksyon at mag comply sa requirements ng National Building Code.
“From the start, walang permit, violation yan. Magbibigay kami sa kanila ng notice of violation with penalty,” pahayag ni Foja.
“Lahat ng development sa Odiongan, dapat may permit sa lokal na pamahalaan,” dagdag ni Foja.
Kabilang dito ang proyekto ng DPWH sa lugar na kalsada na hindi rin umano dumaan sa kanilang opisina.
Matagal nang iginigiit ng mga miyembro ng Anahao-Tubigon-Canduyong Farmers Association na pasture land ang bundok base na sa Supreme Court Ruling.



































