Tinanggal sa puwesto si Engr. Gerald Pacanan bilang Regional Director ng Department of Public Works and Highways (DPWH)-Mimaropa sa gitna ng imbestigasyon kaugnay ng umano’y substandard na mga flood control projects sa rehiyon.
Batay sa Special Order No. 140 na nilagdaan ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, itinalaga si Engr. Editha Babaran bilang bagong Officer-in-Charge (OIC) Regional Director ng DPWH-Mimaropa.
Bago ang kanyang bagong tungkulin, nagsilbi si Babaran bilang Assistant Regional Director ng DPWH Region II. Siya ay may mahigit 38 taon na karanasan sa serbisyo publiko at pamamahala ng iba’t ibang proyektong pang-imprastruktura.
Nauna nang sinabi ni Bonoan na patuloy ang pag-validate ng mga flood control project sa Bulacan, Region III, IV-B, VI, VII, at VIII mula July 2022 hanggang May 2025.