Bumuo ng fact-finding team ang Department of Public Works and Highways (DPWH) MIMAROPA upang imbestigahan ang lahat ng flood control projects sa rehiyon, ayon kay Regional Director Engr. Gerald Pacanan.
Ito ay inihayag ni Pacanan nang bumisita siya sa flood control project ng DPWH sa Barangay Mulawin, Naujan, Oriental Mindoro nitong Linggo ng hapon.
“Ang DPWH po, particularly ang DPWH Mimaropa, kami po talaga ay nag-oobserve sa pinakamataas na quality, ng standard, ng efficiency, transparency at saka walang tolerance sa corruption,” pahayag ni Pacanan.
Aniya, binubuo ng mga abogado at technical experts na hindi konektado sa mga proyekto ang nasabing fact-finding team upang matiyak ang patas na imbestigasyon.
“Lahat po ng proyekto natin sa buong MIMAROPA iimbestigahan para makita kung sino ang may pananagutan. Kung may pananagutan ang contractor, lalabas po yun sa imbestigasyon. Kung may pananagutan ang empleyado mismo ng DPWH, lalabas din po sa imbestigasyon. Wala po tayong sisinuhin, wala po tayong sasantuhin,” dagdag ng opisyal.
Isa sa mga proyektong binatikos ng publiko ay nasa Oriental Mindoro, na personal na nakapuna si Governor Humerlito “Bonz” Dolor.
Kaugnay nito, sinibak na ni Pacanan ang project engineer at iba pang tauhan ng DPWH na sangkot sa nasabing proyekto.