Pormal nang ipinasa ng Department of Science and Technology (DOST) MIMAROPA sa lalawigan ng Romblon ang 10-Year Roadmap ng Marble Industry nitong Huwebes, Agosto 21, sa isang turn-over ceremony sa bayan ng Romblon.
Ang roadmap ay magsisilbing gabay hanggang 2035 para sa pagpapaunlad ng industriya ng marmol sa pamamagitan ng pagpapalakas ng local market, pagpapalawak ng distribusyon sa regional at international markets, pagpapaganda ng disenyo ng mga produkto, at pagbibigay ng pagsasanay sa mga manggagawa upang mapataas ang kalidad at kompetitibidad ng mga ito.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. ang kahalagahan ng pagtutulungan ng lahat ng sektor upang maisakatuparan ang mga layunin ng roadmap.
“Mabubuo rin natin ang industriyang matatag, makabago, at handang makipagsabayan hindi lang sa Pilipinas… dapat ang laban natin ay makipagsabayan sa mundo, we [need to produce] globally competitive products,” ani Solidum.
Hinikayat din niya ang mga stakeholders na magsumite ng mga proposal para mapondohan ng DOST ang iba’t ibang bahagi ng plano at tiniyak na tututukan ng ahensya ang pagpapatupad nito.
Samantala, nangako naman si Governor Trina Firmalo-Fabic na susuportahan ng pamahalaang panlalawigan ang implementasyon ng roadmap.
“We pledge that we would allot fund specifically to the implementation of the roadmap every year… mag-uusap pa kami ng officials as well as the department heads, pero it is safe to say siguro that we would start with the initial allocation next year of ₱3 million para po sa implementation ng ating roadmap,” ayon sa gobernadora.
Kasabay ng turnover ay ang panunumpa ng unang batch ng mga miyembro ng Marble Industry Strategy Council, na pamumunuan ng gobernador.
Kilalang “Marble Capital of the Philippines” ang Romblon dahil sa pagkakaroon nito ng world-class high-grade marble na maihahambing sa Carrara Marble ng Italy. Ilan sa mga produktong marmol mula sa lalawigan ay ini-export sa mga bansang gaya ng Japan, China, at United States.
Ang roadmap ay binuo sa pakikipagtulungan ng DOST MIMAROPA at ng University of the Philippines.



































