Umabot na sa ₱57.5 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura sa lalawigan ng Occidental Mindoro dulot ng malalakas na pag-ulan ng habagat na pinalala ng bagyong Carina.
Batay sa report ng Philippine Information Agency, sinabi ng Provincial Agriculture Office (PAO) na apektado ang 2,034 ektarya ng sakahan sa pitong bayan, kabilang ang San Jose, Magsaysay, Rizal, Calintaan, Sablayan, Mamburao, at Paluan. Kabilang sa mga nasira ang mga pananim na palay, mais, at high-value crops tulad ng gulay.
Dagdag ng PAO, ang sektor ng palaisdaan ay nagtala rin ng ₱1.4 milyon na halaga ng pinsala.
Patuloy ang ginagawang assessment ng mga lokal na pamahalaan upang matukoy pa ang kabuuang epekto ng kalamidad sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda.
Nakahanda namang tumugon ang Department of Agriculture at iba pang ahensya para sa posibleng ayuda at rehabilitasyon.




































