Sa panahon kung saan madalas sinusubok ang tiwala ng taumbayan sa pamahalaan, tunay na nakakatuwang makakita ng lider na agad kumikilos nang may sinseridad, malinaw na layunin, at maayos na plano. Si Gobernadora Trina Firmalo-Fabic, bago pa man umabot ng isang buwan sa panunungkulan bilang punong ehekutibo ng Romblon, ay nagsimula na ng mga hakbang na nagpapakita ng malinaw na landasin tungo sa mabuting pamamahala at makataong liderato.
Ang Romblon, isang lalawigan na mayaman sa likas na yaman at kultura ay matagal nang naghihintay ng lider na hindi lang nakakakita ng potensyal nito kundi may tapang na isulong ito nang may transparency, pananagutan, at pakikilahok ng bawat sektor. Sa mga unang linggo pa lamang ni Gob. Trina, napatunayan niyang siya ay ganitong uri ng lider.
Isa sa mga unang ginawa niya ay ang pagsusuri sa mga programa at serbisyo ng lalawigan, hindi upang manisi, kundi upang palakasin ang mga epektibo at ayusin ang mga kailangang reporma. Bukás siya sa konsultasyon, pinagbubuklod ang lokal na opisyal, mga samahang sibiko, lider ng komunidad, at kabataan. Ipinapakita nito ang pamamahalang hindi diktatoryal, kundi makatao at nakaugat sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.
Kapuri-puri ang kanyang pagsisikap na gawing efficient ang pamahalaan. Kabilang dito ang pagsasaayos ng mga proseso, pagpapalakas ng transparency, at pagbibigay-prayoridad sa digitalisasyon upang mapabilis ang serbisyo at maiwasan ang katiwalian — isang matapang na hakbang sa lalawigang madalas na nahihirapan dahil sa mabagal na burukrasya.
Bukod dito, mabilis niyang ipinatupad ang random drug testing para sa lahat ng empleyado ng kapitolyo bilang patunay ng kanyang paninindigan laban sa bisyo na maaaring makasira sa serbisyo publiko. Naglabas din siya ng executive order na nagbabawal sa paglalagay ng mga larawan ng pulitiko sa mga banner at signboard ng mga proyekto ng lalawigan. Ito ay isang mahalagang hakbang upang maiwasan ang politikal na paggamit ng mga proyekto at palakasin ang prinsipyo ng transparency.
Nagpapatuloy siya sa inspeksyon at reporma sa mga pasilidad pangkalusugan, suporta sa agrikultura, at mga programang pang-edukasyon — mga pundasyon ng pag-unlad ng lalawigan. Ang kanyang aktibong presensya sa mga komunidad ay nagpapakita ng lider na nakikinig at tunay na kasama ng kanyang nasasakupan.
Pangunahing prayoridad niya rin ang mga programang nakasentro sa mamamayan, gaya ng kabuhayan para sa kababaihan at mangingisda, pangangalaga sa kalikasan, at pag-empower sa kabataan. Hindi lamang ang kabisera ang tinutukan kundi pati ang mga maliliit at madalas nakakalimutang isla at barangay.
Bagamat may mga hamon na darating, ang kalakasan at determinasyon ni Gob. Trina ay nagtatakda ng mataas na pamantayan para sa mga bagong lider — isang pamumuno na may gawa, may pagpapakumbaba, at may matibay na prinsipyo.
Nakatingin ang Romblon, pati ang buong MIMAROPA, at marahil ang buong bansa. Sapagkat kapag maayos ang lokal na pamahalaan, susunod ang pambansang kaunlaran.
Ngayon, nasa kamay ng bawat Romblomanon ang responsibilidad na suportahan at makibahagi sa bagong simula na ito. Ang mabuting pamamahala ay gawa ng lahat — sama-samang kumikilos para sa ikabubuti ng nakararami at sa pangkahalahatan.