Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si reelectionist Senador Manuel “Lito” Lapid sa partidong Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) matapos ang ipinamalas nitong buong suporta sa mga senatorial candidate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
Sa isang pulong nitong Martes, kasama ang mga kasamahan sa Alyansa, personal na nagpasalamat si Lapid kay House Speaker at Lakas-CMD President Martin Romualdez at sa buong pamunuan ng partido.
“Lubos akong nagpapasalamat sa Lakas-CMD sa tulong na ibinibigay nila sa amin at makakaasa sila na kasama nila kami para patuloy na maisulong ang mga serbisyo, programa at mga panukala para sa kapakanan ng ating bansa,” pahayag ni Lapid sa kanyang talumpati.
Bilang pagkilala, binigyang-pugay rin ng senador ang mga naging lider ng Lakas-CMD tulad nina dating Pangulong Fidel V. Ramos, isa sa mga nagtatag ng partido, at dating House Speaker Jose de Venecia Jr., na naging isa ring mahalagang pinuno ng grupo.
“Hindi ko makakalimutan ang kanilang mabilis na pagtulong sa amin sa Pampanga matapos pumutok ang Mount Pinatubo at masalanta kami ng lahar,” ani Lapid, na dating gobernador ng Pampanga.
Sa nasabing pagtitipon na dinaluhan ng mga mambabatas, gobernador, alkalde, at iba pang miyembro ng partido, hinikayat ni Speaker Romualdez ang suporta ng buong Lakas-CMD sa senatorial slate ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas.
Si Lapid, na tumatakbo para sa kanyang ika-apat na termino sa Senado, ay patuloy na nangunguna sa mga pre-election survey. Sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey, pumangatlo si Lapid sa listahan ng mga kandidato para sa Senado sa 2025 midterm elections.