Bagamat limitado ang mga atraksyon sa Odiongan, Romblon, nananatili itong popular sa mga turista at residente dahil sa pag-usbong ng negosyo, lalo na ng mga kainan, na bukas kahit sa gabi.
Sa isang panayam ng Romblon News Network, ibinahagi ni Mary Jude Gabat ang obserbasyon kung bakit nananatiling mataas ang tourist arrival sa bayan.
“Wala man tayo masyadong atraksyon, pero hindi kasi nag-iinvest karamihan ng Odiongan sa mga pasyalan kundi sa mga kainan. More on business tayo. That’s tourism,” ani Gabat.
Isa sa mga halimbawa niya ay ang mabilis na pagdami ng mga milktea shops sa bayan, na mula anim lamang noong una, ngayon ay marami na at patuloy na kumikita ang mga negosyante.
Ayon kay Gabat, mas mataas ang bilang ng tourist arrivals sa Odiongan ngayong taon kumpara noong 2023, na nagpapakita ng potensyal sa lokal na turismo ng bayan.
Sinabi rin niya na ginagawa ng lokal na pamahalaan ang hakbang para paunti-unting madevelop ang mga atraksyon ng bayan, tulad ng Libertad Mangrove Forest and Aqua Silvi Culture Park at Tuburan Falls.
“Inaasahan natin na sa susunod na taon, mas marami pang pasyalan ang maiaayos at madadagdag na puwedeng puntahan ng mga bisita,” ani Gabat.
Sa kabila ng kakulangan sa natural o recreational na pasyalan, sinabi ni Gabat na pinapatunayan ng Odiongan na ang turismo ay hindi lamang tungkol sa mga atraksyon kundi pati na rin sa pagiging sentro ng negosyo at gastronomic experience.