Maagang nakatanggap ng pamasko ang mga mag-aaral ng Palati Elementary School, isang Indigenous People (IP) school sa bayan ng Odiongan, Romblon, mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Romblon Branch at Pines Estate Gaming Corporation.
Ayon kay PCSO-Romblon Branch Manager Kristy Fetalver, ang aktibidad ay isinagawa bilang bahagi ng kanilang pag-obserba sa National Day of Charity, batay sa Proclamation No. 598 ni Pangulong Bongbong Marcos. Ang mga mag-aaral ay tumanggap ng mga tsinelas, hygiene kits, at pagkain, na labis na ikinatuwa ng mga bata at kanilang mga magulang.
Saad ni Noel Corpuz ng Pines Estate Gaming Corporation, kahit maliit ang kanilang handog, umaasa siyang makakapagbigay ito ng saya at inspirasyon sa mga mag-aaral upang magpatuloy sa kanilang pag-aaral.
Ikinatuwa naman ng mga batang tumanggap ang mga regalo sa kanila maging ang kanilang mga magulang.
“Maraming salamat po dahil sa bigay nilang pamasko sa mga bata. Para sa akin, masaya ‘yung mga bata lalo na ‘yung anak ko,” ayon kay Gerlita Belchez na umano ay hirap sa buhay lalo at hindi kaya ang basta-basta makabili ng tsinelas.