Sa naganap na Kapihan sa Bagong Pilipinas sa Calapan City kamakailan, ibinahagi ng Department of Migrant Workers (DMW) na umaabot na sa mahigit 23,000 Romblomanon ang nagtatrabaho sa abroad.
Ayon sa datos ng DMW na nakalap hanggang Hunyo 2024, 12,180 sa mga Romblomanong ito ay nagtatrabaho sa mga shipping companies abroad, habang 11,715 naman ay nasa land-based employment.
Ang bayan ng Odiongan ang nakapagtala ng pinakamaraming Romblomanon migrant workers na may bilang na 4,667, ayon sa ulat.
Si DMW MIMAROPA Regional Director Jonathan Gerodias ay nagbigay pugay sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na matagal nang itinuturing na mga bayani dahil sa kanilang mahalagang ambag sa ekonomiya ng bansa.
Bilang suporta, inihayag ni Gerodias na ang DMW ay may mga programang layuning turuan ang mga migrant workers ng tamang paghawak ng kanilang kinikita. Ito ay upang masiguro na hindi mapupunta sa wala ang kanilang pinaghirapang kita.
“Ang naitutulong namin sa kanila sa kasalukuyan ay ang financial literacy. Sa ngayon, hindi talaga natin kayang pantayan ang sahod nila sa ibang bansa,” paliwanag ni Gerodias.
“Ngunit hindi sa halaga ng pera nakasalalay ang lahat, kundi sa tamang paggamit nito para, sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas, magkaroon sila ng oportunidad,” dagdag pa niya.
Patuloy na nagsasagawa ng mga intervention ang DMW MIMAROPA para sa mga OFWs at kanilang pamilya upang mapanatili ang kanilang kagalingan at maayos na pamumuhay.
Discussion about this post