Nasawi ang isang ginang na empleyado ng Department of Education habang sugatan naman ang kanyang asawa matapos saksakin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Pinamalayan, Oriental Mindoro nitong ika-13 ng Oktubre.
Sa ulat ng Oriental Mindoro Police Provincial Office, nakikipag-usap umano ang lalaking biktima na si Ramelo Pasumbal, 60, sa suspek nang bigla siyang saksakin.
Nakita ito ng asawa ni Ramelo na si Gina at sumigaw ng tulong ngunit nilapitan siya ng suspek at sinaksak rin.
Isinugod ang dalawa sa ospital ngunit idineklarang dead-on-arrival ng attending physician ang ginang habang ang lalaki ay inilipat sa Calapan City para mas matutukan ang kalagayan.
Ayon sa anak ng mag-asawa, ang tumakas na suspek ay may katamtamang taas, hanggang balikat ang buhok, at nakasuot ng black long-sleeve at face masks.
Pinaghahanap na ito ngayon ng mga kapulisan sa Oriental Mindoro matapos ialerto ni Provincial Director Col. Samuel Delorino.
Patuloy ang imbestigasyon ng Pinamalayan Municipal Police Station sa insidente.