Mas mababa ang krimen sa Mimaropa ngayong taon kumpara noong 2020.
Sa ulat ni PCol. Samuel S. Delorino ng Police Regional Office (PRO) – Mimaropa sa huling Expanded Regional Intelligence Committeee o ERIC, nakapagtala ang kanilang tanggapan ng 4,108 na kaso ng krimen mula Enero hanggang November 30, 2021. Mababa ito ng 1,158 kumpara sa kaparehong panahon noong 2020 na nakapagtala ng 5,266.
Aniya, nagbunga ang pagtutulungan ng mga kapulisan ng PRO Mimaropa, mga lokal na pamahalaan at ng pribadong sektor, kaya’t nagawang mabawasan ang mga insidente ng krimen sa rehiyon.
Sa walong pangunahing krimen na binabatayan o index crime kung tawagin, bumaba mula 848 noong 2020 sa 706 nitong Nobyembre 30, 2021.
Ang walong focus crime o index crime ay kinabibilangan ng murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, car theft at motorcycle theft. Sa walo,ang pinakamadalas na mga krimen ay ang rape, theft, physical injuries. Pero sa 2021, may naitalang kasong murder.
Ngayong 2021, mula Enero hanggang Nobyembre 30, nakapagtala ang PRO Mimaropa ng 267 sa rape, 126 sa theft at tig-98 sa physical injuries at murder.
Noong 2020 sa kaparehong panahon, ang mga naitalang kasong rape ay 316, sa theft ay 139 at sa physical injuries ay 126 at sa murder ay 114. (LP)