Tinatayang 700 sako ng de-kalidad na binhi ng palay ang ipinamahagi ng Lokal na Pamahalaan ng San Andres sa mga kwalipikadong magsasaka upang makatulong sa pagpapataas ng produksyon at pagsuporta sa kanilang kabuhayan.
Isinagawa ang pamamahagi noong Nobyembre 19, 2026 sa pamamagitan ng Office of the Municipal Agriculturist, kung saan ipinagkaloob ang mga binhi ng palay na may barayting NSIC Rc 216 at NSIC Rc 628.
Ayon kay Municipal Agriculturist Fe I. Gadon, magpapatuloy ang pamamahagi hanggang Nobyembre 20 upang matiyak na maipamahagi nang maayos ang mga binhi sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Naisakatuparan ang programa sa tulong ng pondo mula sa Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), bilang bahagi ng mga hakbang upang palakasin ang lokal na produksyon ng palay.
Hinimok naman ang mga magsasaka na makipag-ugnayan sa tanggapan ng Municipal Agriculturist para sa impormasyon hinggil sa kanilang alokasyon at proseso ng pagkuha ng mga binhi.


























