Isinusulong na matukoy ang Odiongan Watershed bilang isa sa mga prayoridad na lugar para sa biodiversity conservation sa pamamagitan ng community consultation na isinagawa ng Haribon Foundation mula Nobyembre 16 hanggang 19, 2026.
Isinagawa ang konsultasyon sa ilalim ng proyektong “Susing Pamana: Pagtukoy at Pagpapatatag sa mga Key Biodiversity Areas (KBA) sa Pilipinas,” na naglalayong tukuyin ang mga lugar na may mahalagang biodiversity at nangangailangan ng mga hakbang para sa pangmatagalang pangangalaga.
Lumahok sa konsultasyon ang mga kinatawan mula sa pitong barangay na sakop ng watershed, kabilang ang Pato-o, Amatong, Progreso Este, Progreso Weste, Rizal, Tumingad at Tuguis.
Tinalakay ng mga kalahok ang kalagayan ng Odiongan Watershed, ang mga suliraning kinakaharap nito, at ang mga posibleng hakbang para sa mas maayos na pamamahala at konserbasyon ng likas na yaman nito.
Sa presentasyon ni Gng. Thess Dela Cruz, ipinaliwanag ang kahalagahan ng Key Biodiversity Areas o KBA bilang batayan sa pagtukoy sa mga lugar na may natatanging biodiversity at nangangailangan ng higit na proteksiyon.
Kabilang sa mga natukoy na banta sa Odiongan Watershed ang quarrying, pangangaso ng wildlife at mga natural hazard gaya ng pagtaas ng lebel ng tubig.
Bilang bahagi ng konsultasyon, sinuri rin ang ecological, social, cultural at economic importance ng watershed. Nagsagawa rin ng participatory KBA mapping upang maisama sa proseso ang kaalaman at karanasan ng mga lokal na komunidad.
Ayon kay Engr. Reymund Inocencio, Municipal Environment and Natural Resources Officer ng Odiongan, mahalaga ang mga hakbang na ito at ang aktibong pakikilahok ng mga residente dahil may papel ang bawat isa sa pangangalaga ng likas na yaman.
Ang Haribon Foundation ay isang organisasyong nagsusulong ng pangangalaga sa biodiversity at likas na yaman ng bansa sa pamamagitan ng mga programang nakabatay sa agham at pakikilahok ng komunidad.


























