Isang Market Trade Fair ang ikakasa ng lokal na pamahalaan ng Odiongan sa susunod na Linggo bilang tulong sa mga magsasaka sa bayan.
Pinaghahandaan na ito ng LGU at mismong ang dating Gobernador pa ng lalawigan na si Lolong Firmalo, na ngayon ay Focal Person for Agriculture ng bayan, ang nangunguna sa pagpaplano.
Nitong Huwebes, pinulong ni Firmalo ang ilang magiging partner sa nasabing Market Trade Fair kasama na ang ilang tauhan ng Department of Trade and Industry at ng Go Negosyo Center.
Layunin ng proyektong ito na mahikayat ang mga kababayan na tangkilikin at bilhin ang mga produktong lokal habang ating pinapatupad ang mga alituntunin patungkol sa pagiwas sa COVID-19.
May dalawang pangunahing lugar kung saan gaganapin ang Baligyaan sa Odiongan, isa sa ating Pamilihang Bayan at isa naman sa ating Children’s Paradise.
Magkakaroon ng iba’t-ibang zones sa mga nasabing lugar kung saan makikita ang mga produktong lokal kabilang na rito ang flowers and seeds zone, livestock zone, fresh meat and fish zone, processed fish and meat zone, native delicacies zone, fresh harvest zone, pasalubong zone, furniture zone, bread and pastries zone at iba pa.
Magsisimula ang fair ng alas-4 ng madaling araw ng September 27 at magtatapos ng alas-3 ng hapon.