Naihalal ngayong araw bilang bagong presidente ng Philippine Councilors’ League (PCL) – Romblon chapter ang anak ng alkalde ng bayan ng Cajidiocan, Romblon na si Sangguniang Bayan member Marvin Greggy Ramos.
Sa botong 147-16, tinalo ni Ramos si Odiongan SB member Romeo Chua, para maging kinatawan ng PCL o Ex Officio Member ng Sangguniang Panlalawigan at kauna-unahang PCL President na mula sa isla ng Sibuyan.
“Ang pagkapanalo ko ay para po sa mga Kapwa ko Kabataan at mga Kababayan ko sa Isla ng Sibuyan. Maraming Salamat po sa mga kapwa ko konsehal sa buong lalawigan ng Romblon sa suporta at pagtitiwala na ibinigay niyo po sa akin,” pasasalamat ni Ramos.
Kabilang rin sa mga bagong halal na opisyal ng PCL-Romblon ay sina SB Elmer Fortu ng Calatrava bilang Vice President, Secretary General Faith Lota, Treasurer Nicky Faderogao, PRO Genelito Coching Jr., Business Manager W. Melwin Punzalan, at Auditor Erwin Tangonan.
Provincial Federation Directors naman sina William Tan, Argel Zacarias, Jose Luis Morales, Mark Arthur Silverio, Johny Jesalva, Richard Fruelda, Jenalyn Faderanga, at Ismael Osorio Jr.
Sinaksihan at pinangunahan ni German Yap, Provincial Director ng Department of the Interior and Local Government sa Romblon, ang election na ginanap sa Hotel Lucky Chinatown sa Binondo, Manila at oathtaking ng mga bagong opisyal.