Arestado ang isang lalaki sa bayan ng Romblon, Romblon matapos paluin ng kahoy sa ulo ang kanyang nakababatang kapatid nitong Biyernes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si Julius Muros Royo, 31 anyos at residente ng Barangay Li-o sa nasabing bayan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pumunta ang 17-anyos na kapatid ni Julius sa bukid para kumuha ng coconut wine ngunit pagdaan ng biktima sa bahay ng suspek, sinigawan umano siya ng suspek na ‘Kara diri kay sumabagon ta ikaw!”. Hindi pinansin ng biktima ang suspek ngunit hindi pa nakakalayo ang biktima ay bigla nalang siyang pinalo ng kahoy sa ulo dahilan upang magkaroon ang biktima ng hemartoma.
Agad na inaresto ang suspek kinagabihan habang nagpapagaling sa Romblon District Hospital ang kanyang kapatid.
Habang nasa kulungan, nagawa pa umano ng suspek na pagsusuntukin ang isang naka duty na police officer na nakabantay sakanya.
Kwento ng pulis, humiling umano ang suspek na dalhin sa palikuran ngunit hindi pa umano sila nakakalapit ay bigla nalang siyang pinagsusuntok at iniuntog pa sa pader ang kanyang ulo. Agad namang napusasan ang suspek at agad na ibinalik sa kulungan.
Nahaharap ang suspek sa kasong child abuse dahil menor de edad ang batang kanyang kapatid, at direct assault upon a person of authority, resistance at disobedience.