Hinigpitan na ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station ang kanilang pagpapatupad ng curfew ordinance para sa mga minors sa bayan ng Odiongan sa Romblon.
Ayon kay Police Senior Inspector Kenneth Ding Gutierrez, simula pa nitong Miyerkules ay ipinatutupad na nila ang nasabing ordinansa kasunod ng pronouncement ni Pangulong Rodrigo Duterte na linisin ang mga kalsada mula sa mga tambay.
Nitong Biyernes ng gabi, June 22, aabot sa 7 na menor de edad ang sinita ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station kasama si Ms. Maja Agaloos ng Municipal Social Welfare and Development Office ng Odiongan, Romblon matapos lumabag sa curfew.
Base sa Ordinance No. 2005-08 ng Odiongan, Romblon, bawal lumabas ng bahay ang mga menor de edad mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng umaga.
Ilan sa mga nasita nitong Biyernes ay patungo sana sa inuman kasama ang ilan nilang barkada. May nasita ring mga menor de edad na nagmamaneho ng sasakyan kahit wala pa siyang lisensya.
Ang mga nasitang bata ay isinakay sa patrol at inihatid sa kani-kanilang bahay kung saan nagkaroon ng pagkakataon ang MSWDO na makausap ang mga magulang ng mga bata.
Ang nasabing paghihigpit sa curfew para sa mga minors sa lansangan ay bahagi ng utos ni Pangulong Duterte na tanggalin ang mga tambay sa lansangan. Kung mahuli ulit ang mga minor na lalabag sa curfew, sila ay uutusang mag community service ng tatlo hanggang limang araw. Paraan rin umano ito para hindi mapahamak ang mga kabataan sa lansangan.