Sugatan ang isang 53-anyos na lalaki matapos sugurin siya at ang kanyang grupo nang isa pang lalaking hindi nila pinansin nang tumungo sa kanilang inuman sa Barangay Lonos, Romblon, Romblon nitong hapon ng Martes.
Kinilala ang biktima na si Lemuel Teologo Galasao, isang construction worker; habang ang suspek naman ay kinilalang si Gaiel Manzano Maestro, 52-anyos, isang farmer, pawang mga residente ng parehong Barangay.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang grupo ni Galasao sa bahay ng isang Ruben Manguera nang dumating ang suspek ngunit wala ni-isa umano sa grupo ang pumansin sa suspek kaya agad itong umalis sa lugar.
Pagbalik nito ay may dala na umano siyang ‘karit’ na ginagamit nito sa pagsasaka at hinamon di-umano ang grupo ni Galasao ng gulo.
Sinubukang pigilan ni Galasao ang suspek at kakausapin niya sana ngunit bigla umano siyang sinaksak nito gamit ang karit. Nagpanguno ang biktima at suspek hanggang sa makuha ng biktima ang bladed weapon kaya napatakbo palayo ang suspek.
Naaresto naman si Maestro sa follow-up operation ng Romlon Municipal Police Station.
Samantala, dinala ng Romblon District Hospital si Galasao matapos itong magtamo ng hack wound sa kanyang right buttocks.
Nakakulong na ang suspek at maaring maharap sa kaukulang kaso.