Isang ginang sa Barangay Tambac, Romblon, Romblon ang sugatan matapos hatawin ito ng itak ng isang lasing nitong Biyernes ng tanghali matapos hindi ito pahiramin ng kalabaw.
Kinilala ang biktima na si Norma Molino Fadullo, 54-anyos, habang ang suspek naman ay kinilalang si Virgilio Magdato Malay, 48-anyos, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.
Sa report na nakarating sa opisina ni Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, bandang alas-11 ng tanghali nitong Biyernes ay nilapitan ni Malay si Fadullo habang ito’y naglalakad para sana humiram ng kayang kalabaw ngunit hindi umano nakipag-usap ang biktima sa suspek at patuloy na naglakad.
Ilang sandali ang lumipas ay bigla umanong bumunot ng itak ang suspek at walang ano-ano’y biglang hinataw ang biktima. Agad na tumakbo ang biktima hanggang sa may makakita rito kaya agad siyang naidala sa Romblon District Hospital para gamutin.
Base sa report, nagtamo umano siya ng sugat sa kanyang palad at sa batok sanhi ng pagkakahataw sa kanya ng itak.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang mga tauhan ng Romblon Municipal Police Station hanggang sa maaresto nila ang suspek na naglalakad sa baagi ng Macario National High School sa nasabing barangay.
Napagalaman ng pulisya na nakainum ang suspek nang mangyari ang insidente.
Nakakulong na ang suspek sa Romblon Municipal Police Station at maaring maharap sa kaukulang kaso.