Nahalal at nanumpa na ngayong umaga, June 08, bilang presidente ng Sangguniang Kabataan (SK) federation ng lalawigan ng Romblon si Daphne Robiso ng San Fernando, Romblon.
Unopposed si Robiso at binoto ng majority ng SK Chairmen galing sa 17 munisipyo ng lalawigan.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Robiso, sinabi nito na sisiguraduhin niyang mabibisita nito ang lahat ng bayan sa Romblon gayun na rin ang mga island municipalities para doon ganapin ang mga regular meetings ng mga SK officials ng bawat munisipyo.
Plano niya ring maglatag ng mga seminars sa bawat munisipyo kung saan ipapatawag niya ang mga kabataan para dumalo.
Sa pagkakahalal ni Robiso bilang SK federation president ng Romblon, inaasahang uupo siya bilang isang ex-officio member ng Sangguniang Panlalawigan at magiging representative ng mga kabataan sa board.
“Actually hindi ko iiniisip yung island namin, ang iniisip ko ay yung maganda sa province not for the Sibuyan Island lang,” pahayag ni Robiso ng tanungin kung paano makakatulong ang pagkakahalal niya bilang SK Federation President ng lalawigan.
Samantala, hinamon naman ni Governor Eduardo Firmalo ang mga bagong halal na opisyal ng SK Federation ng Romblon na maging frontliner sa mga programa ng gobyerno lalo sa pagpapatupad ng mga batas.
“Maliban sa sports, dapat sana makialam rin kayo sa mga feeding programs. Encourage parents ng mga bata na magtanim ng mga gulay,” pahayag ni Governor Firmalo.
“Magkaroon kayo ng prinsipyo, ‘what is right and what is wrong’, dapat susundin natin yun as part of true public service,” hamon pa ni Firmalo.