Sugatan sa pananaksak ang dalawang construction worker nitong gabi ng Lunes, May 14 sa bayan ng Romblon, Romblon.
Kinilala ni Police Senior Inspector Ledilyn Ambonan, spokeperson ng Romblon Police Provincial Office, ang dalawang biktima na sina Reynaldo Lachica Baile, 39; at Zeward Mortel Magallon, 27, pawang mga residente ng Barangay Agbaluto.
Ayon sa pulisya, nakikipag-inuman ng coconut wine o tuba si Baile at Magallon sa suspek na si Clarito Moral Marron, 63, kasama ang isa pang lalaki bago mangyari ang pananaksak.
Nagalit umano ang suspek at nagtalo ang tatlo matapos na sabihan umano ng isa sa mga biktima ang suspek na isang ‘lasingero’.
Ayo pa sa police report, matapos na magtalo sa inuman ay umalis umano ang suspek at bumalik matapos ang ilang minuto dala-dala ang isang kitchen knife at dito na niya sinaksak si Baile. Sinubukang awatin ni Magallon ang suspek ngunit pati siyang nasaksak rin nito.
Natigil lang ang gulo matapos dumating ang dalawang kagawad ng Barangay Agbaluto.
Ligtas na ngayon at nagpapagaling ang dalawang nasaksak ni Marron.
Samantala, inihahanda na ng Romblon Municipal Police Station ang kasong maaring isampa laban sa suspek.