Aabot sa 4,000 na pulis ang ipapakalat ng Police Regional Office – MIMAROPA sa pangunguna ni PCSupt. Emmanuel Luis Licup, Regional Director, para tiyakin ang siguridad ng mga tourist spots at choke point sa rehiyon sa darating na Holy Week Celebration at Summer Vacation.
Ayon kay Supt. Imelda Tolentino, Regional Public Information Office ng PRO-MIMAROPA, simula sa March 23 ay nasa labas na ang lahat ng pulis ng mga rehiyon.
Inutusan na rin umano ni Director Licup si Deputy Regional Director for Operations Police Senior Supt. Ferdinand Garay na pangunahan ang Operation Plan LIGTAS SUMVAC ngayong taon.
Pangunahin nilang babantayan ang mga tourist spots sa MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan) kasama ang Bathala Cave, Moriones Festival, Balanacan Bay at Tres Reyes Islands sa Marinduque; white beaches sa Mindoro Oriental at Mindoro Occidental; Bonbon Beach sa Romblon; at, ang Puerto Princesa Subterranean River National Park at El Nido Marine Reserve Park sa Palawan.
Sa taya ng PNP, noong nakaraang taon ay 4 ang naitalang namatay dahil sa pagkalunod sa panahon ng Semana Santa sa buong MIMAROPA, at isa rito ay naitala sa Romblon.