Dahil sa paggamit ng compressor sa pangingisda, inaresto ng mga tauhan ng Cuyo Municipal Police Station ang tatlong mangingisda sa Bararing Island, Barangay Balading sa Cuyo, Palawan.
Kinilala ng Cuyo Police ang tatlo na sina Leo Magnate, 26; Ramos Espinose, 33; at Jojo Luzada, 28; lahat ay residente ng Barangay Tenga-Tenga, Cuyo, Palawan.
Ang tatlo ay naaktuhan ng mga pulis nang sila ay magsagawa ng seaborne patrol sa nasabing lugar na gumagamit ng compressor.
Nakuha sa mga suspek ang isang unit ng air compressor, dalawang pares ng improvised foot paddles, dalawang eye googles, spear guns at dalawang rolyo ng hose na may habang 500 meters kada isa.
Ang paggamit ng compressor bilang breathing apparatus kapag nangingisda ay pinagbabawal sa probinsya ng Palawan alinsunod sa Provincial Ordinance 819 series of 2005.
Nakakulong na ang tatlo sa Cuyo Municipal Police Station.