Dalawang lalaki na sakay ng Service Vehicle ng Philippine National Police ang sugatan matapos maaksidente ang naturang service vehicle sa bahagi ng National Road sa Barangay Biga, Calapan City, Oriental Mindoro pasado alas-12 ng tanghali kanina.
Ayon sa Calapan City Public Safety Department, ang may dala umano ng service vehicle ng PNP ay mekaniko ng KIA Motors kung saan ipinaayos umano ang nasabing sasakyan.
Nawalan umano ng kontrol ang kotse saka sumalpok sa isang puno na nasa gilid ng kalsada.
Hinihinalang nagtamo ng bali sa kaliwang bahagi ng kanyang paa ang isa sa mga sakay ng nasabing sasakyan.
Ayon naman kay P/Supt. Imelda Tolentino ng Regional Police Information Office MIMAROPA, ang nasabing sasakyan ay naka-issue sa Finance Department ng Regional Police Office MIMAROPA.
Patuloy rin umanong inaalam ng mga tauhan ng Calapan City Police Office kung ano ang dahilan ng nasabing aksidente.